Banko sa QC hinoldap

Hinoldap ng limang katao na kinabibilangan ng isang babae ang sangay ng Premier Bank sa Forest Hills Subdivision, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Halos isang minuto lamang ang itinagal ng panghoholdap sa bangko kung saan agad na itinaon ng mga suspect ang panloloob sa pagbubukas ng vault dakong alas-10:10 ng umaga sa Brgy. Gulod Forest Hills ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na dalawa sa apat na lalaking suspect ang nagpanggap na mga bank client habang ang dalawang iba pa ay naghihintay ng senyales at ang babae naman ang siyang nagsilbing lookout sa labas ng bangko.

Matapos mabatid na bukas na ang vault ay agad na dinisarmahan ng mga ito ang security guard sa bangko habang mabilis namang ikinulong sa banyo ang lahat ng mga empleyado.

Sa loob lamang halos ng isang minuto ay nakuha ng mga suspect ang pera sa vault at saka nagsitakas sakay ng dalawang motorsiklo na hindi naplakahan.

Hindi pa matiyak kung magkano ang halagang natanggay ng mga suspect, habang isang manhunt operation naman ang isinasagawa laban sa mga ito. (Doris Franche)

Show comments