Nobyo nagpakasal sa ibang babae, housemaid nagbigti

Nagbigti ang isang 18-anyos na housemaid makaraang magpakasal umano sa ibang babae ang kanyang lover, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Si April Castillo, tubong-Unison, Quezon Province at stay-in housemaid ng 16 Monserrat St. corner Loreto St. Morning Breeze Subdivision, Brgy. 83 ng nabanggit na lungsod ay natuklasang nakabitin sa kisame ng dirty kitchen ng bahay ng kanyang amo dakong alas-8:30 ng gabi.

Nabatid na ang amo mismo ni Castillo na nakilalang si Nollie Chua, 47, ang nakadiskubre sa bangkay ng katulong.

Isang cable wire ang ginamit ng biktima sa pagpapatiwakal.

Isang suicide note naman ang narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng NPD sa tabi ng bangkay ng biktima na nagsasaad ng mga katagang "Kuya Nollie, hindi ko na po matagalan ang aking problema. Patawad sa mga nagawa ko. Paki-uwi po ang aking bangkay sa amin".

Ayon naman kay Nollie, na napagalitan din umano niya ang biktima bunga ng pagtaas ng kanilang bill sa telepono dahil sa madalas na pagtawag ng huli sa cellular phone ng kanyang nobyo dahil sa nalalapit na kasal nito na hindi na yata matutuloy dahil sa nagpakasal na sa ibang babae ang lalaki.

Isang masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ng pulisya upang alamin kung walang nangyaring "foul play" sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments