Sasakyan ni Gen. Senga hindi totoong nakarnap

Na-wow mali ang isa sa mga aide de camp ni AFP Chief of Staff Generoso Senga matapos nitong ipa-blotter sa Marikina City Police kamakalawa ng gabi na nakarnap ng mga hinihinalang big-time carjacking gang ang utility vehicle ng kanyang boss.

Ayon kay PNP-Traffic Management Group (PNP-TMG) director Chief Supt. Errol Pan, natagpuan na ang nawawalang kulay puting Mitsubishi L-300 van na may plakang UCT-136 na nakaisyu kay Senga.

Ayon sa ulat, bandang alas-12 ng hatinggabi ng magtungo sa himpilan ng Marikina City Police ang nagpapanik na si T/Sgt Glen Millanes, driver at aide de camp ni Senga at ipina-blotter sa pulisya ang pagkawala ng utility vehicle ng AFP chief.

Ayon kay Millanes, ipinarada umano niya ang behikulo dakong alas-11 ng gabi sa parking lot ng Markenton Place sa kahabaan ng Sumulong Highway para uminom at magpalipas ng ilang oras. Gayunman, paglabas niya ay doon niya natuklasan na wala ang sasakyan sa kanyang pinaradahan.

Gayunman, ipinaliwanag ni Pan na nakatulog sa kalasingan si Millanes at habang nasa loob ito ng bar ay napagtripan ng kanyang mga kaibigan na imaneho ang van sa city proper ng Marikina at doon ipinarada taliwas sa inakala nitong nabiktima siya ng carnap gang.

Paglabas nga ni Millanes ng Markenton Place ay doon niya nabatid na wala ang kanyang minamanehong sasakyan kung kaya ipinaalarma na biktima ng karnap.

Sinabi naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Angel Honrado na iimbestigahan nila si Millanes sa pangyayaring ito, kasabay nang paliwanag na ang naturang sasakyan ay dapat gamitin lamang sa paghahatid ng mga packages at iba pang mga gamit mula sa tanggapan ni Senga. (Joy Cantos)

Show comments