Kasalukuyang inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng Manila Central University (MCU) Hospital si Sheena Pearl Ampicio, 11; mga kapatid nito na sina Rodel, 4; at Wendell, 7; dahil sa malulubhang tama ng saksak sa kanilang mga pulso at ibat ibang bahagi ng katawan.
Nagtamo naman ng mga tama ng saksak sa batok at iba pang bahagi ng katawan ang kanilang yaya na si Honey Fajardo, 27, na kasalukuyan ding inoobserbahan sa nabanggit na pagamutan.
Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa suspect na si Pepito "Peping" Joson, 55, stay-in house boy ng pamilya Ampicio na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen dala ang ginamit na patalim.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Victor Lalata, may hawak ng kaso, dakong alas-4 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng mga Ampicio sa Block 36, Lot 14, Phase 3, Paque Alley, Sabalo St., Dagat-Dagatan, Brgy. 12, Caloocan City.
Nabatid na nag-ugat ang pananaksak ng suspect sa mga biktima nang unang ipagtanggol ni Fajardo si Sheena Pearl nang makita nito na hinihipuan ng suspect ang huli habang tinututukan ng patalim.
Una umanong inundayan ng saksak ng suspect si Fajardo subalit nabali ang steak knife na ginamit nito.
Dito nakakuha ng pagkakataon si Fajardo na gisingin ang mga bata habang humihiyaw na humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Habang tinatangka ni Fajardo na isalba ang magkakapatid ay agad na nagtungo sa kusina ang suspect at kumuha ng kitchen knife at muling sinugod ang mga biktima.
Napag-alaman na ginawang panangga ni Sheena Pearl ang kanyang sarili para hindi mapuruhan ng saksak ang mga nakababatang kapatid.
Sa puntong ito ay natinag ang damdamin ng suspect sa ginawa ni Sheena Pearl kayat tumigil sa pananaksak at tumakas na lamang.
Nabatid pa na malimit iwanan ng kanilang ina ang magkakapatid at ipinagkakatiwala sa suspect tuwing naglalaro ang una ng mahjong kung kayat hindi makapaniwala ang pamilya ng mga biktima na gagawin nito ang nasabing krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)