Police captain na ‘protektor’ ng droga sinibak

Sinibak na kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Vidal Querol ang isang pulis na ibinulgar na protektor sa illegal na operasyon ng droga sa Pasig City.

Kinilala ni Querol ang sinibak na si Sr. Insp. Elmer Santiago, miyembro ng NCRPO Anti-Drug Unit na nakatalaga sa lungsod na ito. Si Santiago ay sinibak ni Querol kasunod ng ginawang pagbubulgar ni Pasig City Congressman Robert "Dudut" Jaworski Jr. sa kanyang privilege speech na isa si Santiago sa nagsisilbing padrino sa pamamayagpag ng bawal na gamot sa lungsod ng Pasig.

Kasunod naman ng pagkakasibak kay Santiago ay ipinasalang na ito sa imbestigasyon ni Querol upang madetermina ang bigat ng ginawang pagbubulgar at akusasyon ni Jaworski laban sa nasabing pulis. Kaugnay naman ng gagawing imbestigasyon, sinabi naman ni Querol na makikipag-ugnayan sila sa kongresista sa harap na rin ng posibilidad na makakuha sila ng mga kailangang ebidensiya laban kay Santiago.

Nabatid na sa kanyang privilege speech sa Kamara ay tahasang ibinunyag ni Jaworski na kaya namamayagpag ang talamak na operasyon ng illegal na droga sa Pasig City ay dahil sa proteksiyon na ipinagkakaloob ng mga tiwaling tulad ni Santiago. (Joy Cantos)

Show comments