Cellphone tripper namaril: 1 dedo, 6 sugatan

Nasawi ang isang barangay tanod, samantalang anim na iba pa ang malubhang nasugatan makaraang ratratin ng bala ang mga ito ng dalawang hindi pa kilalang lalaking nakamotorsiklo na umano’y nag-trip at nang-agaw ng cellphone sa harap ng isang bar, kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Agarang namatay sanhi ng tinamong tama ng bala sa likod at dibdib ang biktimang si Reynaldo Santos, 50, Barangay Security Force ng Maybunga, habang patuloy namang ginagamot sa Pasig General Hospital at St. Therese Hospital matapos magtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang iba pang mga biktima na sina Romeo Castillo, 51, tanod; Rodrigo Gueta, 28, driver; Hermon Peji, 32; Reynaldo Sanglo, 36, engineer; Marlon Bantog, 21; pawang mga residente ng Brgy. Maybunga, Pasig at Marcial Tibayan, 32, security guard.

Nabatid kay SPO2 Bernard Cruz, may hawak ng kaso, na naganap ang pamamaril dakong alas-2 ng madaling-araw sa harapan ng Owakimono KTV Bar and Resto sa kahabaan ng Raymundo Ave., Stella Mariz Brgy. Maybunga ng nasabing lungsod. Dumating sa lugar sakay ng dalawang motorsiklo (UH-5038) ang mga suspect na pawang mga lasing.

Makalipas ang ilang minuto ay lumapit ang mga suspect sa isang grupo ng banda na tumutugtog at bigla na lang kinuha ang hawak na cellphone ng isa sa mga ito na pinagsimulan ng kaguluhan na nauwi sa rambulan.

Agad namang nakaresponde ang mga barangay security force ng Maybunga kaya mabilis na tumakas ang dalawang suspect na sumakay sa isang motorsiklo.

Lingid sa kaalaman ng mga tanod ay umikot lamang ang mga ito na armado ng mga baril at bumalik sa lugar ng insidente at pinagbabaril ang mga taong naroroon bago tuluyang tumakas.

Samantala, kasalukuyan namang pinipigil sa Pasig police ang naiwang kasama ng mga suspect upang maimbestigahan hinggil sa pangyayari.

Nakuha sa lugar ng insidente ang 20 basyong bala ng carbine at 5 basyo ng 9mm na kalibre ng baril.

Lumalabas din sa imbestigasyon na hindi mga cellphone snatcher ang mga suspect at posibleng nag-trip lamang dahil sa kalasingan.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa agarang paglutas ng kaso at paghuli sa mga suspect.

Show comments