Ang warrant of arrest ay ipinalabas ni QCRTC Branch 91 Judge Lita Tolentino-Genilo laban kay Alcuaz. Matatandaan na inirekomenda ni Asst. City Prosecutor Florante Ramolete ang pagsampa ng kaso laban kay Alcuaz matapos na makahanap ng "probable cause" sa reklamo ni Maria Paz Magsalin, account general manager for administration, na kumatawan sa PCSO.
Batay sa rekord ng korte, nag-isyu ang PCSO kay Alcuaz ng official vehicle na Kia Besta van (SEW-935) noong Hulyo 6, 2001 ngunit nang umalis umano ito sa PCSO ay agad itong pinadalhan ng liham upang isauli na ang nasabing sasakyan sa PCSO Supply Management Division Administration Dept. Hanggang sa magpadala uli ng isa pang liham kay Alcuaz noong May 13, 2004 ang Legal Dept. ng PCSO ngunit hindi pa rin umano ibinalik ng una ang sasakyan kung saan ginagamit pa umano ito sa mga personal nitong mga lakad.
Sa kanyang counter-affidavit, itinanggi ni Alcuaz na ginagamit nito ang naturang sasakyan sa mga personal na lakad dahil sira umano ito.
Lumilitaw sa resolusyon ni Ramolete na naisauli lamang ni Alcuaz ang sasakyan noong Enero 25, 2005 matapos na matanggap nito ang demand letter noong May 13, 2004 na ginamit bilang "facie evidence" upang sampahan ito ng nasabing kaso. Gayunman, nagrekomenda ng P40,000 na piyansa kay Alcuaz para sa pansamantala nitong kalayaan. (Doris Franche)