Ayon kay PNP-AID SOTF commander Director Marcelo Ele Jr., nais nilang isailalim sa naturang eksamin ang naturang mga opisyal dahil hindi nila maiaalis na paghinalaan na may kinalaman sa illegal drugs trade ang mga ito dahil sa talamak na illegal drugs operation sa ibat ibang barangay sa lungsod.
Sinabi rin ni Ele na palaisipan din sa kanila kung bakit ang mga pulis dito ay walang nalalaman sa operasyon ng sindikato ng droga sa kanilang lugar gayung karamihan sa mga barangay dito ay may operasyon ng illegal na droga.
Bukod sa mga barangay ng Pineda at Mapayapa, may apat pang barangay sa Pasig ang matinding sinusubaybayan ng PNP-AIDSOTF.
"Mahirap namang magbintang nang walang ebidensiya kaya masusi naming inaalam ang mga bagay na ito para meron tayong matibay na ebidensiya kung kanino man," pahayag ni Ele.
Una rito, inalisan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng police power si Pasig City Mayor Vicente "Enteng" Eusebio dahil sa pagsira nito sa mga ebidensiya kaugnay ng natuklasang shabu tiangge sa Pasig City. (Angie dela Cruz)