Sa 5,000 pahinang rekomendasyon ng NBI sa DOJ, kabilang sa pinalilitis sa nasabing asunto sina Charo Santos-Concio, executive vice-president for entertainment ng ABS-CBN, ang host ng programa na si Willie Revillame; Rene Luspo, chief security ng nasabing network; Socorro Vidanes, Marilou Almaden, Martin Stewart, James Nueva, Herbert Vidanes, Francisco Rivera, Mel Feliciano, Cristian Garcia, Engr. Jess Belardo, Chito Payumo at iba pa.
Nilinaw ng NBI na ang pagkakasangkot ni Santos-Concio ay dulot ng ibinigay nitong pahintulot sa pagsasagawa ng programa, habang si Revillame naman ay dahil sa panawagan nito at pag-imbita ng mga tao na magtungo sa Ultra dahil sa maraming nakahandang premyo.
Maliban sa mga nasabing personalidad, pinapanagot din sa kasong administratibo si Pasig City Mayor Vicente Eusebio dahil sa kabiguan nitong atasan ang ABS-CBN na maglatag ng comprehensive security plan bilang paghahanda sa napakalaking crowd na inaasahang dadalo sa anibersaryo ng programa.
Inabsuwelto naman ng NBI sa pananagutan ang MMDA dahil sa nakitang pakikipagtulungan nito sa events at pagmementina ng trapiko.
Isinalba rin ng NBI sa pananagutan ang PNP dahil alinsunod sa NBI, hindi naman hiningi ng ABS-CBN ang tulong ng pulisya para sa seguridad ng napakaraming manonood. (Grace dela Cruz at Danilo Garcia)