Nakilala ang biktima na si Randolph Clarito, 46, executive vice-president ng Nutri Plus Pharmaceutical Company sa Angeles City, Pampanga at residente ng Pasig City.
"This guys are maniac. They are shooting me without reasons," pahayag pa ni Clarito habang ginagamot ito sa Rizal Medical Center sanhi ng tinamong dalawamg tama ng bala ng baril sa likod at kanang hita.
Ayon kay PO3 Ernesto Parazo, may hawak ng kaso sakay si Clarito sa kanyang kulay silver na Toyota Vios na may plakang XPA-876 at binabagtas ang kahabaan ng Lanuza St., Brgy. Ugong dakong alas-12 ng hatinggabi ng bigla na lang ratratin ang kanyang kotse dahilan upang magkabutas-butas ito at tamaan siya sa likod at hita.
Sa kabila ng kanyang tama ay nakuha pa rin niyang mailayo ang sasakyan at dalhin ang kanyang sarili sa ospital.
Samantala, itinanggi naman ng mga tauhan ng TMG ang insidente at sinabing hindi nila binaril ang biktima kundi aksidente umanong tinamaan ito habang nakikipagbarilan sila sa hinahabol nilang mga carjackers.
Dagdag pa ng mga tauhan ng TMG na nagkaroon ng hot pursuit operation ang kanilang grupo laban sa mga umanoy carjackers na sakay ng kulay silver ding Toyota Altis na may plakang XDE-235 mula sa Quezon Avenue, Quezon City.
Pagsapit umano sa Lanuza St sa kanto ng C-5 ay nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at umanoy carjackers at doon tinamaan ang biktima.
Napag-alaman na matapos ang insidente ay nakatakas ang mga hinahabol na carjackers na armado ng matataas na kalibre ng baril kabilang ang isang M-16 armalite rifle ng kanilang iwan ang sinasakyang Toyota Altis at harangin ang isang kulay puting Mitsubishi Galant na may plakang PMI-638 na minamaneho ni Brian Joel Reymundo at saka tuluyang tumakas patungong Leveriza St., Pasay City.
Samantala, humingi naman ng sorry si Senior Supt. Elmer Soria, hepe ng TMG-National Capital Region sa biktimang si Clarito dahil sa pangyayari.
"It was a mistake of fact" pag-amin pa ni Soria sa naging pagkakamali ng kanyang mga tauhan.
Kasabay nito, agad namang sinibak sa puwesto ni PNP-TMG director Chief Supt. Augusto Angcanan ang pitong tauhan ng TMG na pumalpak sa operasyon.
Nakilala ang mga sinibak na sina SPO2 Jaime de Guzman, SPO1 Joseph Martin, PO3 Jerry Alancio, PO2 Raxciel Naprato, PO2 Reynaldo Pedagagrosa, PO2 Marcelino Dacoyo at PO1 Arthue Olosan.
Matatandaan na noong nakaraang Nobyembre ay napatay ng mga tauhan ng TMG ang tatlong lalaki buhat sa prominenteng pamilya na sinasabing umanoy mga carjackers na naganap sa Ortigas, Pasig.
Naging kontrobersiyal ang insidente dahil naglutangan ang mga testigo na hindi shootout ang pangyayari kundi rubout.