Inilawaran ang isa sa mga bangkay na nasa pagitan ng edad na 30-35 anyos, 54 ang taas, katamtaman ang katawan, may tattoo na "6 balls" sa kanang bisig, nakasuot ng abuhing t-shirt at asul na short pants habang ang isang bangkay naman ay nasa edad 20-25, 52 ang taas, payat, may tattoo na "Alfred" sa dibdib at "Sputnik" sa likod, may suot na asul na t-shirt at maong na pantalon.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section natagpuan ang mga bangkay dakong alas-6 ng umaga sa tapat ng gate ng Phil. Manufacturing Corporation sa may 2279 Vitas, Tondo, Maynila.
Ayon sa security guard ng kompanya na si Artemio Tiempo, dakong ala-1 ng madaling-araw nang mapuna niya ang dalawang sako. Hindi naman niya agad pinansin ito dahil sa akala niya ay basura lamang.
Isang basurero naman ang nakadiskubre sa bangkay nang kalkalin ang mga sako sa akalang mapapakinabangan ang laman nito pero laking gulat ng makitang patay na tao ang nasa loob nito.
Sa imbestigasyon, binalot ng masking tape ang buong mukha ng dalawang biktima, nakatali ang mga kamay at nasawi sa mga tusok ng ice pick sa kili-kili. (Danilo Garcia)