Maton tinodas ng bading

Hindi umubra ang tigas ng isang umano’y siga-sigaan sa Tondo, Maynila matapos na masawi lamang sa kamay ng isang bading na sumaksak sa kanya dahil sa pagtatanggol sa ina at kapatid na babae nito kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang biktimang si Reynwel Igbuhay, 20, ng Guyabano St., Tondo, matapos na magtamo ng saksak at palo sa katawan.

Nadakip naman ng mga awtoridad ang suspect na si Rafael Vargas, 18, beautician, at kanyang 17-anyos na kapatid na babae na itinago sa pangalang Issa.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa kahabaan ng Abad Santos Ext., Moriones, Tondo, kung saan naglalakad ang magkapatid na Vargas kasama ang isa pang babae na nagngangalang Sheila.

Nasalubong ng mga ito si Igbuhay na lumapit kay Sheila at sinabihan kung ano ang ginagawa sa lugar. Sinabihan naman umano ni Issa ang kasamang babae na huwag pumatol sa may sayad na tinutukoy ay ang suspect.

Dito nagpanting ang tenga ni Igbuhay at pinagmumura si Issa. Narinig naman ito ng ina ng babae na nakipagtalo rin sa lalaki hanggang sa pagpapaluin ang biktima na gumanti rin sa mga babae.

Nang makita na agrabyado ang ina at kapatid na babae, kumuha ng patalim ang suspect sa loob ng bahay at inundayan ng saksak si Igbuhay hanggang sa bumagsak ito.

Sa loob ng presinto, sinabi ni Vargas na hindi siya nagsisisi sa pagkakapatay niya sa biktima dahil sa tuwing sabog umano ito sa droga ay pinagtitripan lahat ng dumaraan sa kanilang lugar maging mga kapitbahay.

Show comments