Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Vidal Querol, ang mga pinagpipilian para pumalit sa naiwang puwesto ni Sr. Supt. Raul Medina na sinibak sa puwesto ay sina Sr. Supts. Leo Gara, hepe ng Caloocan Police; Jun Cruz, Public Information Office (PIO) chief ng NCRPO; Danilo Pelisco, personnel ng NCRPO; Ramon de Jesus at Romeo Abaring, officer-in-charge ng Pasig Police.
Dagdag pa ni Querol, ngayong araw na ito ay isusumite nila ang mga nasabing pangalan kay Pasig City Mayor Vicente Eusebio upang siyang personal na pumili ng magiging hepe ng kanyang lungsod.
Subalit tila nakalalamang na si Sr. Supt. Gara dahil napag-alaman na napakalakas nito kay Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) chief Marcelo Ele Jr. na siyang namuno sa pagsalakay sa tiangge ng shabu sa Mapayapa Compound noong Pebrero 10 na ikinaaresto ng may 312 katao at nakakumpiska ng mahigit kalahating kilo ng shabu at isang sako ng paraphernalia nito.
Napag-alaman pa sa isang radio report na nagpaalam na umano si Gara sa Caloocan Police at sinabing lilipat na siya ng Pasig.
Matatandaang sa nasabing raid ng tiangge ng shabu ay sinibak ang may 22 Pasig police kabilang sina Eastern Police District (EPD) chief Oscar Valenzuela na pinalitan ni C/Supt. Charlemagne Alejandrino at Medina samantalang ipinadala naman sa Subic upang sumailalim sa re-training ang mahigit 300 kapulisan sa Pasig. (Edwin Balasa)