Dahil dito ay isinara ang lahat ng gate papasok sa Camp Crame at binawalang pumasok ang sinuman kabilang ang mga miyembro ng media, mga nag-uupisina sa loob at mga naninirahan sa loob ng kampo.
Nagbunsod rin ang insidente sa pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa Santolan gate ng Camp Crame dahilan sa pagharang sa mga sasakyang papasok sa loob ng kampo.
Ayon kay Col. Zosimo Yu ng Headquarters Support Service (HSS), ang kanilang paghihigpit ay matapos na makalusot sa mga guwardiya sa Camp Crame ang 25 hanggang 30 miyembro ng Anakpawis at mga estudyante ng University of the Philippines (UP) gayundin ang mga staff ni Beltran sa Kongreso.
Nabatid na dakong alas - 11:30 kahapon ng umaga ng mabulabog ang buong kampo ng madiskubreng nakalusot sa loob nito ang mga supporters ng militanteng mambabatas.
Pagkapasok sa loob ay nagsipagpalit ng kulay pulang mga t-shirt ang mga supporters ni Beltran na nagpanggap na pagbisita lamang ang pakay sa militanteng mambabatas at nagsipag-rally bunsod upang ipagtabuyan ang mga ito palabas ng mga pulis.
Si Beltran na sinampahan na ng kasong sedisyon at rebelyon ay kasalukuyang naka-confine sa PNP General Hospital sa loob ng Camp Crame dahilan sa pagtaas ng blood pressure nito.
Matatandaan na si Beltran ay dinakip noong nakalipas na Pebrero 25 sa San Jose del Monte, Bulacan isang araw matapos ibaba ni Pangulong Arroyo ang binawing Proc. 1017 o state of national emergency. (Joy Cantos)