Ipinatawag ni NCRPO chief Director Vidal Querol sa isang command conference ang mga district directors sa Metro Manila na pinaalalahanan sa pagiging alerto upang maiwasan ang anumang ilegal na operasyon ng mga sindikato at mga biglaang pagsasagawa ng mga destabilisasyon o mga rali ng ibat-ibang grupo sa mga "no rally zone."
Sinabi ni Querol na itutuloy pa rin ang implementasyon ng calibrated pre-emtive response upang maiwasan ang kaguluhang dulot ng mga raliyista sa ibat ibang lugar sa Metro Manila.
Aniya, kailangan na laging handa ang kapulisan dahil posibleng biglaan ang gawing pagrarali ng ibat-ibang cause oriented group upang pabagsakin ang pamahalaan.
Sa ngayon ay may nakatalagang pulis mula sa QCPD na nagsisilbing monitoring team sa Edsa People Power Monument laban sa mga nais na magsagawa ng rally.
Pinahihigpitan din ni Querol ang mga chokepoints at checkpoints sa Metro Manila laban sa mga sindikato partikular ang mga carnapping syndicate.
Aniya, posibleng sumabay ng operasyon ang mga sindikato sa nangyayaring gulo ngayon sa bansa upang mas lalong maalarma ang publiko.
Dapat umanong ipakita ng kapulisan sa publiko na handa silang bigyan ng sapat na seguridad ang bansa laban sa anumang uri ng krimen. (Doris Franche)