Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz, may 600 pulis ang kanilang idi-deploy sa mga rally sites sa Peoples Power Monument sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City, Ayala Avenue sa Makati City at sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila.
Nitong Miyerkules, sa simula ng pagdiriwang ng apat na araw na selebrasyon ng Peoples Power 1 (Pebrero 22-25) bagaman nasa white alert ang PNP ay daang puwersa nito ang ipinakalat sa kahabaan ng EDSA upang mangalaga sa seguridad.
Maliban dito ay may ipinakalat ding daang puwersa ng mga sundalo na tumulong sa pulisya sa pagpapatupad ng peace and order sa palibot ng EDSA sa bisinidad ng Peoples Power Monument.
Kamakalawa ay nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga protesters at ng anti-riot police matapos ang mga itong magkatulakan nang pigilan ng mga pulis ang mga raliyista na magmartsa patungo sa Peoples Power Monument.
Sa panig naman ni AFP-NARCOM spokesman Capt. Ramon Zagala II, sinabi nito na may 300 sundalo ang naka-standby sa Camp Aguinaldo para mag-reinforce kung kukulangin ang tropa ng military na naka-deploy sa EDSA.
Inihayag ni PNP chief Director General Arturo Lomibao na medyo magluluwag sila nang konti sa mga dadalo sa EDSA anniversary.
Ayon pa kay Lomibao, imo-monitor nila ang mga behikulo na manggagaling sa mga lalawigan laban sa mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) na posibleng mag-infiltrate sa hanay ng mga demonstrador sa EDSA. (Joy Cantos)