Dakong alas-3:50 ng hapon nang mabitak ang lupa at mawasak ang malaking bahagi ng kalsada ng Adriatico street, Ermita kung saan ginagawa ang Adriatico Residences na pag-aari ng Robinsons Land Corp.
Isang puting Mutsubishi L-300 van at isang Kia van na nakaparada sa gilid ng kalsada at ang back-hoe machine ng construction site ang nilamon ng naturang hukay.
Dakong alas-6:15 nang tuluyang bumigay ang tower crane ngunit masuwerteng dahan-dahang bumagsak ito at tumukod lamang sa nakatayo nang gusali ng Robinsons Land.
Sa inisyal na pagtatanong sa mga engineer ng gusali, nabatid na hinuhukay ang pundasyon ng ikatlong gusali kung saan posibleng lumambot ang lupa dahil sa patuloy na pagtagas ng tubig sa 10-metrong hukay ng konstruksiyon malapit sa kalsada.
Masuwerte rin at walang nakasakay sa mga sasakyang nilamon ng naturang hukay at walang nadamay na construction worker sa pagguho ng lupa. Agad namang pinaalis ang operator ng tower crane.
Nauna rito, agad na pinalikas ng pulisya sa pangunguna ni NCRPO chief Dir. Vidal Querol ang mga tenant at empleyado ng mga katabing gusali dahil sa panganib ng pagbagsak ng crane, tuluyang pagguho ng lupa at pagkapatid ng mga high-tension wire.
Sinabi ni Querol na maaaring nakadulot sa pagbigay ng lupa ang dahilan na isang "seabed" ang kinasasadlakang lupain ng lungsod ng Maynila kaya babad sa tubig ang ilalim nito.
Kasalukuyan namang hindi pa makapagbigay ng pahayag si Manila City Engineering Office chief, Armando Andres ukol sa insidente at sa posibleng naging kapabayaan ng contractor ng hotel dahil sa nagsasagawa pa rin ng sariling imbestigasyon ito. (Danilo Garcia)