11 pupil nalason sa mercury

Labing-isa sa 106 estudyante sa St. Andrew’s Academy sa Parañaque ang positibong nalason sa mercury matapos na isugod ang mga ito sa Philippine General Hospital (PGH).

Ayon kay Dr. Michael Tee, tagapagsalita ng PGH, pawang nakaramdam ang mga estudyante ng pananakit ng ulo, hirap huminga, lagnat, panginginig at mga rashes sa katawan nang isugod ang mga ito noong Lunes sa naturang pagamutan at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nilalapatan ng lunas.

Sinabi ni Tee na ang naturang mga estudyante ay grade 7 sa St. Andrew’s Academy ay nagsagawa ng kanilang science experiment noong Huwebes pa ng umaga at nagkaroon ng mercury exposure subalit naireport lamang sa kanila noong Linggo.

Nilinaw naman ni Dr. Tee na patuloy nilang inaalam kung gaano karaming mercury ang nalanghap ng mga estudyante at ito ay sa pamamagitan ng blood test.

Ayon pa kay Tee, kapag umabot na sa 7.5 parts per billion ang blood level ay maaaring malason ang taong nakalanghap ng mercury subalit mayroon na itong antidote na iniimom lamang.

Iginiit naman ni Dr. Eric Tayag ng Department of Health-National Epidemiology Center na hindi ordinaryong chemical ang mercury kaya’t ipinagbabawal ang paghawak o pagka-expose ng tao rito kaya’t nagsasagawa sila ng decontamination ngayon sa naturang paaralan.

Gayundin, isasailalim sa blood test ang mga teachers at faculty members at security guard na posibleng na-expose din sa nasabing chemical. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments