Batay sa ulat ni Supt. James Brillantes, hepe ng QCPD-DIID, bandang alas-11:00 ng umaga nang salakayin ng mga tauhan nito ang Ofelia St. sa Brgy. Bahay-Toro, ng nasabing lungsod kung saan ay nahuling nagtutupada, cara y cruz at sakla ang mga residente dito.
Maliban sa 22-katao na nadakip ay inimbitahan din sa nasabing himpilan si Brgy. Kagawad Eleuterio Geronimo, 48, na pinaniniwalaang organizer ng mga sugalan sa nasabing lugar.
Ayon kay Geronimo, nanghingi na sila ng permiso sa QC Hall para sa pagpapatayo ng simbahan sa nasabing lugar kung saan ang kikitain sa kanilang pagpapatupada at pagsusugal ay gagamitin para sa pagpagawa ng Sto. Cristo Chapel sa kanilang nalalapit na kapistahan.
Subalit hindi pa rin umubra kay Brillantes ang naging dahilan ni Geronimo at ito ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 449 (Anti-Cock fighting Law) at R.A. 1602 (Illegal Gambling) sa Quezon City Prosecutors Office laban sa mga naaresto.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang set ng playing card, 41 na pirasong manok na panabong at P2,500 cash. (Doris Franche)