Mayor Eusebio kakasuhan

Pinasususpinde kahapon ng isang anti-crime watchdog si Pasig City Mayor Vicente Eusebio dahil sa pagsira nito sa mga ebidensiya ng pulisya nang gibain ang tiangge ng shabu sa Brgy. Sto. Tomas sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Dante Jimenez na nakipag-ugnayan sila sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa ginawa nitong pagdemolis sa Mapayapa Compound nang walang koordinasyon sa pulisya.

Bukod dito, sinabi din ni Jimenez na kasalukuyang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang kanilang grupo at para sampahan ng kasong "obstruction of justice " ang alkalde.

Bukod kay Jimenez ay nakatakda ding magsampa sa Lunes ng kaparehas na kaso si Pasig City Congressman Robert "Dudut" Jaworski Jr.

Magugunitang dinemolis ang may 53 shanties sa Mapayapa Compound na matatagpuan sa Brgy. Sto. Tomas kamakalawa sa pag-uutos ni Eusebio kahit walang koordinasyon sa Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (AID SOTF) chief Director Marcelino Ele na siyang namuno sa drug raid.

Binanggit ni Ele na posible rin nilang kasuhan si Eusebio dahil sa ginawa nito at dahil sa pagkawasak sa mga ebidensiya sa lugar.

Matatandaang matapos ang nasabing raid noong nakalipas na Pebrero 10 ay kinordon na ng mga awtoridad ang buong compound na kinatatayuan ng may 53 shanties na dito, tumitira ng droga ang mga parokyano sa shabu den.

Samantala, depensa naman ni Eusebio na bago nila gibain ang mga kubol ay pinakunan muna niya umano ng video footage ang kabuuan nito.

Binanggit ni Carlos Abesamis, legal officer ng Pasig City na ginawa nilang legal na basehan ng demolisyon ang Articles 432 at 436 ng Revised Penal Code.

Show comments