2 miyembro ng KFR arestado

Bumagsak sa mga elemento ng Police-Anti-Crime and Emergency Response (PACER) ang dalawang pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng kidnap-for-ransom group na sangkot sa pambibiktima sa mga mayayamang negosyanteng Fil-Chinese sa Metro Manila sa isinagawang entrapment operation sa Makati City.

Kinilala ni PACER chief Deputy Director General Oscar Calderon ang mga nasakoteng suspect na sina Alvin Tong, 25, ng Pasay City at John Roel An, 24, ng Makati City.

Sinabi ni pa ni Calderon na ang dalawa ay kasapi sa grupo ng KFR/ extortionist gang na pinamumunuan ng magkapatid na sina Rasswyn at Michael Tong ng Pasay City na responsable sa pambibiktima sa apat na negosyanteng Tsinoy sa lungsod ng Pasay kamakailan.

Nabatid na ang pinakahuli sa mga biniktima ng mga suspect ay si Brent Ching na pinadalhan pa ng death threat na may kasamang bala. Humihingi ang grupo ng isang milyon kapalit ng ibibigay nilang proteksyon sa negosyo ng nasabing Tsinoy at kung hindi ito maibibigay ay kanila itong papaslangin.

Bukod dito, sangkot din ang grupo ng mga suspect sa apat na kaso ng kidnap na naganap sa Pasay City.

Nadakip ang mga ito matapos na magsumbong sa pulisya si Ching at doon inilatag ang entrapment operation laban sa mga suspect.

Nagkunwari si Ching na ibibigay ang pera at ng inaabot na ito sa kanilang bibiktimahin ay dinamba na ang mga ito ng pulisya.

Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa dalawang nadakip, habang pinaghahanap naman ang iba pa nilang kasamahan sa operasyon. (Joy Cantos)

Show comments