Amang humalay sa anak, nagbigti sa jail

Isang ama na nanghalay sa sariling anak ang nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti sa piitan ng Caloocan City police, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Rene Durante, 38, ng Purok 2, Brgy. 185, Zone 16, Malaria sa lungsod. Patay na nang makita ito ng mga awtoridad.

Isang sinturon na ikinabit sa rehas na bakal ang ginamit ni Durante sa pagbibigti.

Ayon sa ulat ni PO3 Wilson Reyes, may hawak ng kaso na dakong alas-11:20 ng gabi nang matagpuan si Durante habang nakabitin sa rehas na bakal sa may detention cell ng North Extension Office ng Caloocan City police na nasa Dama de Noche St., Camarin.

Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng nakonsensiya ang suspect sa ginawa nitong panghahalay umano sa sariling anak kaya inunahan niya ang posibleng sapiting hatol na parusang kamatayan. Gayunman, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya para alamin kung may naganap na foul play sa kaso. (Ricky Tulipat)

Show comments