Kahapon ng hapon ay lumutang sa himpilan ng Eastern Police District ang mga anak ni Virginia Javierto, 81, isa pang nasawi sa naganap na trahedya at sinabing ang kanilang ina ang tunay na may-ari ng pera.
Ayon kay Rizaldy Javierto, 44, noong Biyernes ay nag-withdraw sa Philippine Veterans Bank sa Camp Aguinaldo branch ang kanyang nanay kasama ang isa niyang kapatid na babae na si Josephine Barra na isa rin sa mga nasawi ng P50,000 at pagkatapos ay tumuloy na silang pumila sa Wowowee.
"Pensioner ang nanay ko dahil ang tatay ko ay US Army veteran. Pagka-withdraw ay dumireto na sila para pumila sa Wowowee," salaysay ni Rizaldy. Dala ni Rizaldy sa himpilan ng pulisya ang certification galing sa Philippine Veterans Bank na pinirmahan ng bank manager na si Moises Carpio na nagpapatunay na nag-withdraw doon ang biktima.
Matatandaang noong Lunes ng hapon ay isinauli na sa pamilya ni Aurora Soriano, isa sa nasawi sa trahedya, ang nasabing halaga na napulot ni Candy Lacno, rescue volunteer ng Pasig City sa isang simpleng seremonya sa Pasig City Hall.
Dahil dito, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung sino ang tunay na may-ari ng nasabing pera. (Edwin Balasa)