Holdaper hinulog sa jeep, kinuyog pa ng taumbayan

Dobleng parusa at sakit ng katawan ang inabot ng isang holdaper makaraang ihulog ito mula sa isang pampasaherong jeep na kanyang hinoldap at pagkatapos ay kinuyog pa ng taumbayan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Hindi na halos makagulapay sa tinamong pinsala sa katawan ang suspect na si Ricky Saliva, 35, at residente ng 159 C. Perez St., Brgy. Tonsuya ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na dakong alas-8 ng gabi nang holdapin ng suspect ang isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng McArthur Highway, Brgy. Potrero, Malabon City. Isa sa mga pasahero na si Anthony Bautista, 19-anyos, ng Malinta Valenzuela ang nanlaban sa suspect at ihulog ito palabas ng jeep.

Nang mahulog na ang suspect ay kinuyog pa ito ng mga galit na galit na taumbayan. Naawat lamang ang pambubugbog dito ng dumating ang mga nagrespondeng tauhan ng pulisya. (Rose Tamayo)

Show comments