Sa isang simpleng seremonya na ginawa sa tanggapan ni Pasig City Mayor Vicente Eusebio kahapon ng hapon, isinaoli ni Candy Lacno, residente ng 41 B.E. Santos St., Brgy. Bambang ng lungsod na ito ang nakuha niyang pera sa isa sa nasawing biktima na si Aurora Soriano, 56, vendor ng Tatalon, Quezon City.
Laking pasasalamat naman ng mga anak ng biktima na sina Lovinski, 36 at Shirley Soriano, 34, na siyang tumanggap ng pera kay Lacno dahil sa ginawa nitong katapatan.
Ayon sa magkapatid na kaya may dalang ganung halaga ng pera ang kanilang ina ay dahil sa hahango sana ito ng gulay sa Balintawak subalit noong Biyernes ng tanghali ay nagkayayaan ang mga kasamahan nitong vendor na pumunta sa unang anibersaryo ng Wowowee.
Napag-alaman pa na bukod kay Aurora ay dalawang kasama nito ang nasawi sa naturang insidente.
Samantala, sinabi naman ni Mayor Eusebio na dalawa pang nasawi sa insidente ang residente ng Pasig ang nais nilang matulungan sa pamamagitan nang pagkakaloob ng trabaho kahit sa isa sa mga anak ng mga ito. (Edwin Balasa)