Ito ang halos nagkakaisang katwiran ng maraming mga kababayan natin na nagtungo at pumila sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng programang Wowowee ng ABS-CBN kahapon.
Pitumput siyam ang nasawi at mahigit sa 300 ang nasaktan matapos ang naganap na stampede sa main gate ng Ultra sa Pasig City.
Ayon kay Aling Virginia Samonte, 45, na galing pa ng Lucena City at isa sa mga nakaligtas sa trahedya na isa siya sa mga naunang pumila kasama ang isa pa niyang kapatid dahil Miyerkules pa lamang ay nandoon na sila.
Kitang-kita nila ang naganap na tulakan ng buksan ng mga security guard ng Ultra ang isang gate dakong alas-6:45 ng umaga.
"Yung buhos ng tao ng buksan ang gate nakakatakot, lahat gustong maunang makapasok, yung iba umakyat sa waiting shed para lang makaunang makapasok, sabi ko sa kapatid ko gumilid muna kami dahil baka magkatulakan at nakakatakot yung daanan masyadong matarik pababa", pahayag pa ni Aling Virginia.
Hindi nga nagkamali si Aling Virginia dahil maya-maya lang nagsimulang masubsob ang mga tao dahil sa tulakan at naapakan na ang marami. Bumigay din umano ang bubong ng waiting shed kaya lalong nataranta ang mga tao.
Nakapanghihilakbot ang sigawan at iyakan na narinig at nang mahawi ang tao, marami na ang nakitang nakahandusay na hinilera sa daan at ang mga sugatan at isinugod sa pagamutan.
Ganito rin halos ang pahayag ni Renata Ingrato, 36, ng Bulacan na nasugatan sa insidente. Suwerte pa rin umano siya dahil nakagapang siya sa gilid ng kalsada ng tuluyang magkaroon ng stampede. Bali ang braso at hita ni Renata at nagtamo rin ito ng pasa sa katawan.
Sa marami nating nakausap at natanong kung bakit sila nagtiyaga ng ilang araw sa pila para lamang sa naturang game show, halos iisa ang dahilan ng mga ito ng makipagsapalaran sa milyong mga premyo na maaaring magpabago sa mahirap nilang buhay.
Halos lahat sa mga naging biktima ay galing sa mahihirap na pamilya.