1 pang biktima ng salvage natagpuan

Isang lalaki na biktima ng summary execution ang natagpuan sa tapat ng isang eskuwelahan na tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, binusalan ang bibig at nakatali nang patalikod ang mga kamay, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Hindi pa man kumpirmado, isang JO2 Rommel Galit, nakatalaga sa Pasay City Jail ang kumilala sa salvage victim na si Benedict Tayuni alyas "Dick-Dick", kalalaya pa lamang umano noong Disyembre 2005 sa kasong robbery-hold-up.

Unang inilarawan ng pulisya ang biktima na tinatayang nasa edad 30-35, 5’2’’ ang taas, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng maong na pantalon at puting t-shirt at may mga tattoo sa katawan.

Ayon sa ulat, natagpuan dakong ala-1:25 ng madaling-araw kahapon ang biktima sa harap ng Pear Tree Academy, sa may Williams St., nasabing lungsod.

Nakapulupot sa bibig ng biktima ang packing tape at nakatali ang mga kamay ng electrical cord at puro dugo ang katawan bunsod ng tinamong mga tama mula sa 9mm na baril.

Nakarekober ang Scene of the Crime Operations (SOCO) ng 5 basyo ng 9mm kalibre ng baril sa pinangyarihan. (Ludy Bermudo)

Show comments