Sa pitong-pahinang opposition na inihain sa Makati Regional Trial Court (RTC) ni State Prosecutor Peter Ong, sinabi nito na moot and academic na ang motion ni Misuari dahil sa nabasahan na ito ng sakdal noon pang Enero 2003.
Ipinaliwanag pa ni Ong na hindi maaaring gamitin na basehan ang naunang resolution ni dating Justice Secretary Simeon Datumanong noong December 2003 dahil nasimulan na ang paglilitis bago pa man lumabas ang nasabing resolution.
Iginiit pa rin ni Ong na imposible ang sinasabi ng kampo ni Misuari na ito ay napagkaitan ng due process sa kanyang kaso dahil kung titingnan aniya ang rekord ng kaso nito ay makikitang sumailalim ito sa preliminary investigation na isinagawa ni acting Provincial Prosecutor Manuel Tatel.
Nilinaw pa rin ni Ong na kung pagbibigyang muli ang kahilingan ni Misuari ay babagal ang takbo ng kaso nito.
Magugunita na pinaboran na rin ng DOJ ang kahilingan ni Misuari na makapagpagamot ito sa St. Lukes Hospital dahil sa ibat ibang sakit na nararamdaman nito. (Grace dela Cruz)