Kinilala ni Immigration Commissioner Alipio Fernandez Jr. ang suspect na si Kulwant Singh na naaresto kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pasakay na si Singh sa Singapore Airlines patungong New Delhi nang masabat ito ng mga operatiba ng Immigration agents sa NAIA departure area kung saan nakumpiska mula rito ang mga pekeng dokumento at pekeng re-entry permit at exit clearance certificate.
Ayon sa BI, si Singh ay nauna na nilang inimbestigahan kaugnay sa ulat na gumagamit ito ng mga alyas at sangkot din sa kidnapping activities.
Nakatanggap din ng intelligence report ang BI na si Singh ang utak ng sindikato ng pagkidnap sa mga Indian national na naninirahan sa Eastern Metro Manila at Rizal Province. Kaugnay nito, isang araw bago naaresto si Singh ay na-rescue ng mga awtoridad si Karnail Singh Chahal, 45, ng San Mateo, Rizal matapos itong dukutin ng mga armadong lalaki sa Marikina.
Isa sa mga suspect ang napatay, samantalang tatlo pa ang naaresto kabilang ang isa pang Indian na umaaktong tipster ng grupo. Matapos ang pagkakadakip sa mga suspect ay lumutang ang mga Indian sa Marikina police at dito nila positibong itinuro ang mga suspect na siyang kumidnap sa kanila noong nakaraang taon. (Gemma Amargo Garcia)