Apat sa siyam ang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Hospital, samantalang ang lima ay isinugod sa ibat ibang mga pribadong ospital.
Ayon kay Teresa Angeles, nurse sa JRMMH, bandang alas-9 ng gabi nang isugod sa naturang pagamutan ang mga biktima kung saan tatlo dito ay 6-taong gulang at isang 15-taong gulang mula sa Parola, Tondo.
Sinabi ni Vina Moramon, ina ng isa sa mga biktima, bigla na lamang nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagkahilo ang kanilang mga anak matapos na makakain ng cassava.
Nabatid na nagmula sa Tayabas, Quezon ang cassava na nabili lamang ng mga biktima sa isang tindahan sa kanilang lugar.
May hinala naman ang JRMMH na posibleng may nahalo ring pesticide sa naturang cassava tulad ng nangyari sa Bohol kung saan 14 na estudyante ang nasawi rito.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Department of Health (DOH) upang matukoy kung ano ang sangkap ng naturang kakanin na naging dahilan ng pagkalason ng mga bata.
Kahapon ay pinalabas na rin ang mga bata matapos ang 24-oras na obserbasyon sa mga ito.
Kaagad namang nagsagawa ng inspeksiyon ang Manila Health Department sa naturang lugar upang inspeksiyunin ang mga panindang kakanin ng mga tindera rito. (Gemma Amargo-Garcia)