2 timbog sa 400 ecstacy tablets

Umaabot sa 400 piraso ng ecstacy tablet na nagkakahalaga ng P1 milyon ang nasamsam ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng hapon sa Pasig City.

Kinilala ang mga naarestong suspect na sina Francis Morales Braza, 20, ng #4 Chryssalis St., BF Homes, Maripose Village, Parañaque City at Marco Alberto Jacinto dela Rama, 24, ng 35 Molave St., Valle Verde II, Pasig City.

Sa ulat, naaresto ang mga suspect dakong alas-3 ng hapon sa isinagawang buy-bust operation ng Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (AID-SOTF) sa Champagne Edition Condominium, Saint Jose Maria Escriva Drive ng lungsod na ito.

Napag-alamang nakipagnegosasyon ang isang poseur-buyer kay Braza at bumili ng 300 ecstacy tablet sa halagang P750,000.

Matapos ang palitan ng droga at pera ay agad na inaresto si Braza ng iba pang kagawad ng AID-SOTF.

Samantala, tinangka pang tumakas ni dela Rama na agad sumakay ng kanyang asul na Mitsubishi Pajero na may plakang UNC-870. Subalit agad din itong naharang ng awtoridad at nang siyasatin ang dalang sasakyan ay nakuha rito ang 100 piraso ng ecstacy tablet.

Napag-alaman pa kay Marcelo Ele Jr., Task Force Commander ng AID-SOTF na mahigit isang buwan na nilang minamatyagan ang nasabing grupo matapos na makatanggap ng ulat na ang mga ito ang siyang nagsu-supply ng ecstacy sa ilang exclusive schools, sikat na night clubs, bars at mga posh subdivisions. (Edwin Balasa)

Show comments