Tsinoy panibagong biktima ng carjack

Isa na namang Fil-Chinese ang nabiktima ng carjacking syndicate sa Quezon City makaraang tutukan ng baril ng apat na hindi nakikilalang kalalakihan.

Personal na nagtungo sa Quezon City Police District-La Loma Police Station 1 ang biktimang si Peter Ong, 58, ng Apo St., Brgy. Maharlika, Quezon City upang ireport ang naganap na pang-aagaw ng kanyang sasakyan dakong alas-11:45 ng gabi kamakalawa sa tapat mismo ng kanyang bahay.

Binanggit ni Ong na kabababa lamang umano niya ng kanyang sasakyang Honda Accord na may plakang ZBN-393 nang bigla siyang tutukan ng armalite ng apat na kalalakihan na nakasakay naman sa isang Toyota Altis na walang plaka.

Bigla umanong inagaw sa kanya ng isa sa mga suspect ang susi ng kanyang sasakyan at saka ito tinangay.

Nabatid na ang kotse ni Ong ay nakarehistro sa Philippine Industries Incorporated na nakabase sa San Pedro, Laguna.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na posibleng matagal nang minamanmanan ng grupo ang kilos ng biktima at kamakalawa ay nakakuha ang mga ito ng tiyempo para agawin ang sasakyan ni Ong. (Doris Franche)

Show comments