Patuloy na inoobserbahan sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Mark Joseph Alcantara, 17, high school student, ng F. Branville II, Camarin, sanhi ng mga saksak na tinamo sa katawan.
Nagsasagawa naman ng pagtugis ang mga elemento ng Caloocan PNP laban sa suspect na si Jomar Gomez, alyas Boy Negro, sinasabing lider ng True Brown Style fraternity.
Batay sa ulat ni SPO1 Wilson Reyes, may hawak ng kaso, bandang alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng Cielito Annex High School sa Camarin, Caloocan City.
Kasalukuyang naglalakad ang biktima pauwi sa kanyang bahay nang salubungin ito ni Boy Negro at saka hinihingan ng pera para hindi umano ito gulpihin subalit tumanggi ito.
Ikinairita ng suspect ang pagmamatigas ng biktima kung kayat agad itong naglabas ng patalim at walang sabi-sabing inundayan ng tatlong saksak ang huli sa ibat ibang bahagi ng katawan. (Rose Tamayo)