Batay sa imbestigasyon ng Las Piñas Protection Unit, sumiklab ang apoy dakong alas-10 ng umaga sa loob ng Richchem Chemical Warehouse Ent. na nasa Jasmine St., TS-Cruz, Almanza Dos, Las Piñas City, na pag-aari ng Fil-Chinese na si Poying Ong.
Inatake sa nerbiyos ang maybahay ni Ong na si Lily Ong nang mabatid na nasusunog ang kanilang bodega.
Kasalukuyan umanong nasa breaktime ang may 15 empleyado ng nasabing warehouse nang biglang sumiklab ang apoy at mabilis na kumalat dahil sa mga drum ng rugby at thinner na nakaimbak.
Umabot sa Task Force Charlie bago pa naapula ang sunog dakong alas-2 ng hapon.
Masusing iniimbestigahan ang nasabing kumpanya bunsod ng di-umano pagkakaroon ng kaukulang permit mula sa Arson Investigation Unit, gayung hindi naman umano nagkulang sa isinagawang inspeksiyon ang awtoridad.
Kinukuwestiyon din kung bakit hindi naabutan ng mga nag-inspeksiyon ang may-ari gayung wala silang nakikitang delikado sa bodega kapag sila ay nagtutungo roon. (Ludy Bermudo)