Kinilala ang napatay na suspect na si Joel Rojo, habang naaresto naman ang mga kasamahan nito sa grupo na sina Romeo Castillo, 34; Benjamin Torofiel, 36 at ang sinasabing lider ng grupo na si Onkar Singh, alyas Abdul, 26. Samantala, pinaghahanap pa ang iba nilang kasamahan na nakilala lamang sa alyas na Roger at Jessie.
Matagumpay namang nailigtas sa nasabing operasyon ang biktimang si Kharmail Singh Khalal, 35, residente ng 12 Capt. Sendo St., Brgy. dela Peña, Marikina City.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga makaraan ang tuluy-tuloy na rescue operation na isinagawa ng mga awtoridad sa safehouse ng mga suspect sa Dama de Noche St. Vista Hermosa, Brgy. Gulod Malaya, San Mateo, Rizal.
Ang pagsalakay sa safehouse ay isinagawa makaraang makatanggap ang mga pulis ng impormasyon na doon dinala at itinago ng mga suspect ang biktima.
Magugunitang ang biktima ay dinukot kamakalawa ng tanghali habang naniningil ito ng pautang sa may SSS Village sa Marikina City.
Nabatid pa na P5 milyon ransom ang hinihingi ng mga suspect sa pamilya ng biktima.
Napag-alaman pa na agad na nagkaroon ng pagpapalitan ng putok ang grupo ng mga suspect sa mga sumalakay na awtoridad na rito, nasawi ang suspect na si Rojo at nakorner naman ang tatlo pa.
Ayon pa sa ulat, ang nasabing grupo ang siyang responsable sa pagdukot sa mga negosyanteng Bombay sa Marikina at karatig lugar sa Rizal.
Isang malawakang operasyon naman ang inilunsad para sa ikadarakip ng mga nakatakas pang suspect.