Kinilala ni NBI-National Capital Region Director Ruel Lasala ang suspect na si Rennie Jacobo, ng 895, 2nd Flr., Quezon Blvd., Sta. Cruz, Manila, habang pinaghahanap naman ang asawa nitong si Marivic Jacobo.
Ang pagkakaaresto kay Jacobo ay bunsod sa natanggap na impormasyon ng NBI na ang nabanggit na suspect ay gumagawa ng mga pekeng P500 at P1,000 bills.
Bunga nitoy nagsagawa ng test-buy ang NBI kung saan nakabili umano ang poseur-buyer ng naturang mga peso bills at nang ipaberipika sa Bangko Sentral ng Pilipinas ay napatunayang peke ang mga ito. At sa bisa ng search warrant na nakuha ng NBI ay nasamsam nito sa bahay ni Jacobo ang mga computer at iba pang paraphernalia na ginagamit sa paggawa nito, kasama ang P453,000 pekeng pera.
Dahil dito, ipinagharap ng kasong paglabag sa Article 166 Forging Treasury or Bank Notes, Obligations and Securities, importing and uttering false or forged notes, obligations and securities in relation to Article 169 ng Revised Penal Code, ang suspect sa Manila City Prosecutors Office. (Grace dela Cruz)