Agarang nasawi sa lugar na pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa katawan at ulo ang mga biktimang sina Elcer Lasaga, Alfie Torion, George Inobia Jr. at ang menor-de-edad na si Joseph Ungko, 15.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Mandaluyong Medical Center ang mga sugatang sina Rodel Dello, 22, nagtamo ng bali sa tadyang at Ronald Gascon, habang nasa kritikal namang kondisyon sa Polymedic Hospital si Michael Ampuan, pawang mga residente ng M. Leyba St., Brgy. Old Zaniga ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay SPO3 Roberto Infante, may hawak ng kaso naganap ang insidente dakong alas-3:20 ng madaling-araw habang binabagtas ng mga biktima ang underpass sa kahabaan ng EDSA kanto ng Shaw Boulevard ng lungsod sakay ng isang kulay puting Elf L-250 van na may plakang TXA-684 na minamaneho ni Lasaga pauwi sa kanilang lugar galing sa Brgy. Pinyahan sa Quezon City kung saan nakipag-inuman ang mga ito.
Nabatid na nagmamadali at sobrang bilis ang ginawang pagpapatakbo ni Lasaga sa nasabing van na napag-alamang shutlle service ng mga estudyante ng De La Salle Greenhills dahil sa gagamitin pa ito sa pagsundo sa mga estudyante.
Subalit dala ng nainom na alak at pagmamadali ay nawala sa giya ang takbo ng van at hindi na nakontrol ng driver ang manibela dahilan upang malakas na sumalpok ito sa poste ng MRT na agarang ikinasawi ng apat at malubhang ikinasugat ng tatlo pa. Parang latang napipi naman ang nasabing van. (Edwin Balasa)