Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa San Lorenzo Hospital si SPO1 Jose Cruz, 46, nakatalaga sa Warrant at Subpoena Section ng Central Police District at naninirahan sa Blk. 5, Lot 12, Hyacinth St., Capitol Park Homes II, Brgy. 179 ng nasabing lungsod.
Nagsasagawa naman ng malawakang manhunt operation ang mga elemento ng Police Community Precinct 5 laban sa dalawang hindi nakikilalang salarin na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat nina PO3 Joel Montebon at PO2 Vergel Nicolas, may hawak ng kaso naganap ang insidente bandang alas-6:50 ng gabi sa may panulukan ng Malanting at Kamagong St., Amparo Subdivision, Brgy. 179 ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na kasalukuyang ipinapasada ni SPO1 Cruz at ng kanyang anak na si Jayvee, 21, ang kanilang pampasaherong jeep na may plakang DGF-920 nang biglang sumulpot ang dalawang hindi nakikilalang suspect na lulan ng motorsiklo na walang plaka. Walang sabi-sabing pinaputukan ng mga suspect ang biktima ng dalawang ulit.
Bagamat sugatan ay inutusan ng biktima ang kanyang anak na magmaneho ng sasakyan at dukutin ang kanyang service firearm sa ilalim ng driver seat, subalit mabilis ng nakalayo ang mga suspect.
Agad na isinugod ni Jayvee ang ama sa pagamutan subalit binawian din ito ng buhay habang sumasailalim sa operasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya lumitaw na ang biktima ang kasalukuyang bise-presidente ng kanilang jeepney drivers association at siya ring dahilan kung bakit nagkaroon ng dalawang paksyon ang samahan.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang may kinalaman sa krimen at kung ano ang tunay na motibo sa isinagawang pagpaslang. (Rose Tamayo)