‘Hog-tied gang’ sumalakay

Isang pamilya ang iginapos saka pinagnakawan sa loob ng kanilang tahanan ng tatlong hindi pa nakikilalang kalalakihan, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Batay sa reklamo ng biktimang si George Lim, 49, negosyante ng 302 Visayas Avenue corner Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro ng nasabing lungsod, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Danilo Esparza ng QCPD-Talipapa Station 3, nasa loob umano ng kanilang bahay ang biktima kasama ang buong pamilya ng bigla na lamang pumasok ang tatlong hindi pa nakikilalang kalalakihan na armado ng mga patalim at baril.

Agad umanong itinali ang biktima kasama ang asawa at anak saka naghalungkat ang mga ito sa buong bahay bago nagsitakas dala ang hindi pa mabatid na halaga ng pera, alahas at mahahalagang gamit sa loob ng bahay ng pamilya Lim.

Makalipas ang isang oras at saka lamang nakahulagpos sa pagkakatali ang mga biktima at agad na dumulog sa himpilan ng pulisya.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad upang makilala at madakip ang mga suspect. (Doris Franche)

Show comments