Holdaper na hinatulan ni Judge Gingoyon, itinumba

Masusing sinisiyasat ng pulisya kung may kaugnayan ang pagpatay sa isang notoryus na holdaper sa pagpatay naman kay Pasay City Judge Henrick Gingoyon nang matagpuan ang bangkay ng una na tadtad ng saksak sa katawan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nakilala ang nasawi na si Rommel Cariaga, 31, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at patay na bago pa idating sa pagamutan.

Base sa rekord, si Cariaga ay kalalaya pa lamang mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City noong nakalipas na taon dahil sa kasong pananaksak sa isang Dennis Dominguito sa Pasay City.

Bukod dito, may mga kaso rin itong robbery, theft, homicide at frustrated homicide na ang ilan ay nilitis at napatunayan sa sala ng pinaslang na Pasay Judge Gingoyon ng Branch 117.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Marianito Agad ng CID ng Pasay City Police, dakong alas-7:15 ng gabi nang makita ng ilang tambay na nakahandusay at duguan si Cariaga sa may EDSA Extension sa panulukan ng Harrison St., ng nasabing lungsod.

Bagaman hindi inaalis ang anggulo na posibleng may kinalaman sa pagpatay sa hukom bunga ng paghihiganti, sinisilip din ng pulisya na posibleng onsehan sa partehan ng kapwa kasama sa gang ang motibo sa pamamaslang. (Ellen Fernando)

Show comments