Mister ‘insecure’ kay misis, nagbigti

Dahil sa hinihinalang pagiging desperado at insecure ng isang 30-anyos na mister dahil sa kawalan nang pag-asa na makahanap ng trabaho habang ang misis nito ay professor sa isang pamantasan, winakasan nito ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.

Hinihinalang may ilang oras nang patay nang makita ang biktima na si Raymond Ocampo nang matagpuan ito sa loob kanilang kuwarto sa #2145 Fidel Reyes St., Malate.

Batay sa ulat ni PO3 Carlos Santos ng Manila Police District Homicide Section, laking gulat nang makita ni Leisyl, guro sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at asawa ng biktima ang kanyang mister dakong alas-8 ng gabi habang nakabitin ito sa kisame ng kanilang bahay gamit ang isang nylon.

Nabatid na huling nakitang buhay ni Gng. Ocampo ang biktima kamakalawa dakong alas-4 ng umaga bago siya pumasok sa nasabing pamantasan.

Ayon kay Leisyl, laging napagkikitang malungkot ang kanyang mister at walang imik dahil sa kabiguan nitong makakita ng mapapasukan. (Danilo Garcia)

Show comments