Nakilala ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre 9mm sa katawan na si Jonathan Hizon, 38, may asawa, ng #105 Bagumbayan, Libis, Quezon City, habang nakapiit naman ang mga kasama nito na sina Lino Young, 27, ng Bagong Silang, Caloocan at Lex Reves, 38, driver, residente ng Pasig City at pinaghahanap ang isang di-nakilalang babae na kasama ng mga ito.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa Far Eastern University (FEU) Hospital si PO3 Hector Ortencio, 33, nakatalaga sa PCP-11 ng Caloocan PNP at residente ng #1114 Malaria II, Tala, Caloocan City, sanhi naman ng tama ng bala ng kalibre .45 sa tiyan.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Police Community Precinct-11 sa may LD Village, Brgy. 186, Tala, ng nabanggit na lungsod.
Bago ang insidente, nagsasagawa ng checkpoint ang mga elemento ng PCP-11 sa pangunguna ni Insp. Leonilo Padulaga kasama sina PO3 Hector Ortencio, PO2 Abner Butay, PO2 Emilio Boyoten at PO2 Arnulfo Dancel nang parahin ng mga ito ang isang Mitsubishi Lancer na may plakang DRA-313 kung saan nakasakay si Hizon at mga kasamahan.
Dahil umano sa kahina-hinalang kilos ng mga sakay sa kotse, inimbitahan ito ng mga pulis sa loob ng PCP-11 para maberipika subalit habang kinukunan ng pahayag ang mga ito ay bigla umanong nagbunot ng kalibre .45 ang nasawi at pinaputukan si Ortencio sa gawing kanang tiyan.
Bagamat sugatan ay nagawang mabunot ng pulis ang kanyang service firearm na 9mm at gantihan ng putok si Hizon na nagresulta sa agarang kamatayan nito.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay patuloy ang pagtanggi ng mga kasama ng biktima na pag-aari nito ang kalibre .45 baril at hindi rin umano ito gunrunnner kung saan hindi rin makuha ang panig ng mga miyembro ng PCP-11 hinggil sa nasabing insidente. (Rose Tamayo)