Nur Misuari pansamantalang nakalaya

Pansamantalang pinalaya kahapon ng Makati City Regional Trial Court (RTC) sa kanyang pagkakakulong ang founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) at dating ARMM Governor na si Nur Misuari upang makadalo sa pagdiriwang ng "Edil Adha" o ang taunang pasasalamat kay Allah.

At upang tiyakin ang seguridad nito, mahigit 100 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang nag-escort at mahigpit na nagbantay kay Misuari.

Mula sa pagkakakulong nito sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna dinala ito sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig at pagkatapos ay nagtungo ito sa Maharlika Village Mosque upang dumalo sa "Edil Adha".

Ang pansamantalang pagpapalaya kay Misuari ay isinagawa matapos itong payagan ni Judge Sixto Marella, Branch 138 ng Makati City, RTC para makadalo sa naturang pagdiriwang ng mga Muslim.

Nabatid na ang dating ARMM governor ay sinampahan ng kasong rebelyon sa sala ni Judge Marella ng Department of Justice.

Sa pagharap ni Misuari sa mga mamamahayag, ipinahayag nito na sumusuporta siya sa pamahalaan ni Pangulong Arroyo sa kabila na nakulong ito sa administrasyon nito. (Lordeth Bonilla)

Show comments