Dakong alas-10 ng umaga nang ideklara ng PGH ang pagkamatay ng debotong si Ricardo Escobido.
Umakyat na sa dalawa ang nasawi sa prusisyon makaraang unang pumanaw ang biktimang si Reynante Martinez, 38, na unang nakilala sa alyas na "Dante" dahil sa tatak ng pangalan sa damit niyang suot.
Nabatid na nasawi si Martinez dahil sa tinamong mga sugat sa katawan at ulo nang malaglag sa isang open manhole at madaganan pa ng ibang deboto. Positibo naman itong kinilala ng kanyang asawa na si Rowena na nagtungo sa PGH.
Nasawi naman si Escobido na isa sa mga nakasampa sa karo ng Nazareno nang biglang mangasul ito pagkatapos kumain. Nanawagan naman ang mga doktor sa PGH sa mga kaanak nito upang kunin ang bangkay ng biktima.
Umabot naman sa higit 50 deboto ang nasugatan sa prusisyon bagamat bahagya lamang kaya hindi na isinugod sa pagamutan. Ligtas na rin naman sa panganib ang 13 pang iba na isinugod sa PGH na pinauwi na matapos malapatan ng lunas.
Karaniwan na sa kasaysayan ng prusisyon ng Nazareno na magkaroon ng maraming sugatan dahil sa hilahan at pagtatangkang makahawak sa rebulto na nauuwi rin sa pagkamatay ng ilan tulad ng naganap nitong nakaraang Lunes.