Niresbakan: Magkumpare, pinatay

Hindi akalain ng isang magkumpare na iyon na ang huli nilang pagsasama matapos na pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng walong hindi pa nakikilalang suspect kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Dead on the spot ang biktimang si Nonoy Francisco, 40, laborer ng Angela St. Doña Faustino, Brgy. San Bartolome, Novaliches bunga ng mga malalalim na saksak sa katawan habang binawian naman ng buhay sa Quezon City General Hospital ang kaibigan nito na si Jerome Alberto, 34, alyas Angkol na nagtamo ng dalawang saksak sa dibdib.

Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga suspect na isa dito ay nakilalang si Alfonso Salvador ng Camarin, Caloocan City.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Joseph Diño ng Quezon City Police District- Criminal Investigation Division (QCPD-CID) naganap ang insidente dakong alas-12 ng hatinggabi sa Mapaya St. sa tapat ng bahay ni Francisco.

Nagkayayaan ang dalawa kasama ang isa pang kaibigan na si John Canson nang bigla na lamang sumulpot ang walong suspect at agad na inundayan ng saksak ang mga biktima.

Mabilis namang nakatakbo si Canson at humingi ng tulong subalit hindi na naabutan ang mga suspect.

Nagsasagawa pa rin ng follow-up operation ang pulisya upang malaman kung ano ang tunay na motibo ng pamamaslang. (Doris Franche)

Show comments