Barangay chairman nang-aarbor ng ‘tulak’ kakasuhan

Sasampahan ng kasong administratibo sa Ombudsman ng Manila Police District Anti-Illegal Drugs (MPD-DAID) ang isang barangay chairman dahilan sa umano’y pang-aarbor nito sa mga nahuhuling drug pusher sa Sta. Cruz.

Ayon kay DAID Inspector Julian Olanon, magsasampa sila ng mga kaukulang kaso laban kay Chairman Suhario Bulig, ng Brgy. 647 dahil sa pagpipilit nitong mailabas ang mga suspek na sina Esanaira Nasser at Moksin Lope, kapwa negosyante sa Sta. Cruz at Quiapo Manila.

Magugunita na si Bulig ay sinamahan ni Datu Amerol Ambiong, chairman ng Peace and Order Council kay Manila Mayor Lito Atienza noong nakaraang linggo upang ireklamo ang umano’y pangongotong ng grupo ni Olonon.

Subalit mariin itong pinabulaanan ni Olonon at sinabing lehitimong operasyon ang kanilang ginawa laban sa mga suspek at si Bulig ang siyang umano’y "cuddler" ng mga drug pusher sa naturang mga lugar.

Iginiit pa ni Olonon na nauna nang nagtungo sa hepe ng DAID si Bulig upang arburin ang dalawang suspek at ng hindi ito pumayag ay dumiretso naman ito kay MPD director Chief Supt. Pedro Bulaong na tumanggi rin sa kahilingan nito.

Bunsod nito kayat napilitan itong magtungo kay Atienza upang palabasin na kinokotongan ng grupo ni Olonan sina Nasser at Lope upang makalaya.

Nilinaw din ni Olonon na walang bail na inirekomenda ang korte laban sa mga suspek na may kasong palabag sa Sec. 5 Art II, RT 9165 matapos nila itong maaresto noong Disyembre 19, 2005. (Gemme Amargo-Garcia)

Show comments