Ginang timbog sa pagkidnap sa paslit

Inaresto kahapon ang isang ginang makaraang kidnapin nito ang isang 2-anyos na batang babae ilang buwan na ang nakakalipas sa Pasay City.

Naglunsad na rin ng rescue operation ang pulisya dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ang batang biktima.

Nakapiit sa Pasay City Police Station at nahaharap sa kasong kidnapping ang suspect na si Jovie Ramos, alyas Ann Jovie Boco, 37, ng 2124 Pulang Lupa, Las Piñas City.

Bukod sa kidnapping sasampahan din ito ng kasong child trafficking.

Sa salaysay ni Sheila Mancarin, 19, ng 19 Taft Avenue Pasay City, Abril 8, ng nagdaang taon ng kidnapin ng suspect ang kanyang anak na si Lea Anna Mancarin sa kahabaan ng Taft Avenue ng nabanggit na lungsod at nakita ito ng testigong si Corazon Pastor, 17.

Mula noon ay hindi na nakita pa ni Sheila ang kanyang anak.

Kahapon ng umaga namataan naman ni Pastor sa Taft Avenue ang suspect na si Ramos kung kaya’t agad niya itong ipinagbigay alam sa ina ng biktima.

Mabilis namang tumawag ng pulis si Sheila at ipinaaresto ang suspect.

Hindi naman masabi ng suspect kung nasaan ang batang biktima.

May teorya ang pulisya na posibleng ibinenta ang bata sa isang mayamang pamilya na walang anak at kinatuwiran lamang nito na sa Makati City niya dinala ang bata. (Lordeth Bonilla)

Show comments