6 MPD cops inireklamo ng pangongotong

Sinugod ng mga negosyanteng Muslim sa Quiapo si Manila Mayor Lito Atienza Jr., upang ireklamo ang umano’y ginawang pangongotong o panghu-hulidap sa kanila ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD).

Personal na sinamahan ni Datu Amerol Ambiong, chairman ng Peace and Order Council sa Manila at chairman Suharto Bulig ng Brgy. 647 ang mga nagrereklamong Muslim dahil sa umano’y pagtatanim sa kanila ng ipinagbabawal na gamot o shabu.

Kinilala naman ni Bulig ang umano’y mga nangongotong na sina Inspector Julian Olonan, SPO1 Rodolfo Ramos, SPO1 Jerry Velasco, PO3 June Torres, PO3 Modesto Bornel at PO2 Arthur Cordero Jr.

Sinabi ni Bulig na sapilitang humihingi ng tig-P50,000 ang mga pulis kay Esanaira Nasser at Moksin Lope, kapwa negosyante sa Sta. Cruz at Quiapo dahil sa umano’y kasong illegal possession of prohibited drugs.

Inaresto si Nasser noong Disyembre 18 subalit makalipas ang ilang araw ay pinalaya na rin ito dahil sa walang maibigay na pera. Subalit sa halip na aksiyunan ng alkalde ang reklamo ng mga negosyante, pinayuhan na lamang ang mga ito ni Atienza na magsampa ng kaso sa People Law Enforcement Board laban sa anim na pulis. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments