Makinista patay sa holdaper

Pinatay sa saksak ang isang machine operator makaraang pumalag ito sa isang holdaper na sumalakay sa kanya.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Jeater Batorilan "alyas Pong", 33, may asawa, ng #26 Saint Cecille St., Maricaban, Pasay City sanhi ng ilang saksak sa katawan buhat sa isang icepick.

Tumakas naman kaagad ang suspect na si Ronie Tubat, may sapat na gulang, ng nabanggit na lugar, tangay ang lahat ng kanyang ninakaw sa biktima na inaalam pa ang kabuuang halaga.

Sa imbestigasyon nina PO3 Alberto Sombilon at PO3 Allan Valdez, ng Station Investigation Service, Pasay City Police, naganap ang insidente dakong ala-1:30 kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Saint Cecille St., Maricaban ng lungsod na ito.

Nabatid na papauwi na ang biktima at habang naglalakad ito ay biglang sinalakay ng suspect at nagdeklara ng holdap, ngunit pumalag ang una.

Agad na inundayan ng ilang saksak ang biktima ng suspect na si Tubat na naging dahilan ng agarang nitong kamatayan. Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments