Ayon kay Parañaque Rep. Eduardo Zialcita, chairman ng House Committe on Housing and Urban Development, dapat maliwanagan kung ano ang ginamit na basehan ng PPA sa cargo handling rates na lumalabas na overpriced umano.
Pinangangambahan ng mambabatas na lalo lamang tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa nasabing paniningil ng PPA.
Hiniling ni Zialcita sa House Committee on Oversight na papaliwanagin ang mga opisyal ng PPA sa pangunguna ni PPA General Manager Oscar Sevilla para bigyan ng linaw ang isyu.
Maging ang ibang pribadong sektor tulad ng Distribution Management Association of the Philippines (DMAP), Federation of Philippine Industries (FPI) at Coalition of Ports and Shipping Modernization (CPSM) ay hindi rin pabor sa ginawang rate increase ng PPA.
Ang ikinaiinis pa aniya ng mga pribadong grupo ay dala na rin sa kawalan umano ng konsultasyon at transparency sa ginawang hearing ng PPA.
Ayon kay Zialcita, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na cargo handling rates sa rehiyon.
Umaasa ang mambabatas na dadalo si Sevilla sa pagdinig ng komite dala na rin sa hindi nito pagdalo sa iba pang congressional hearings na ginawa ng oversight committee sa ibang isyu ukol sa PPA. (Malou Rongalerios)